DOJ Sec. Remulla, tutol na gawing state witness si Shiela Guo laban kay Alice Guo

Kinontra ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang suhestyon na gawing “state witness” si Shiela Guo laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa panayam sa Senado, naniniwala si Remulla na hindi reliable o hindi kapani-paniwala si Shiela Guo.

Aniya, mahirap paniwalaan ang sinabi ni Shiela na si Alice Guo na sanay sa magandang lifestyle ay sasakay sa fishing boat na walang matutulugan at maglalayag sa masungit na dagat papuntang Malaysia.


Patutsada pa ni Remulla, sobrang galing na parang sine kung mula Zambales papuntang Kota Kinabalu, Sabah na nasa 1,300 kilometers ay naglayag ang mga ito sakay ng barkong pangisda.

Hindi rin naniniwala ang Kalihim na sadyang walang alam si Shiela tulad ng mga sinabi nito sa pagdinig ng Senado kagaya na lamang na hindi nito alam kung saan dumaan ang van na sinakyan, saan silang lugar dinala, at ang detalye ng mga bangka at barkong sinakyan dahil kung tutuusin napakatagal nila na andito sa Pilipinas.

Sa aspeto naman aniya ng sinabi ni Shiela na hindi sila magkapatid ni Alice Guo, tanging DNA test lamang ang makakapagpatunay nito.

Facebook Comments