DOJ Sec. Vida, nakiusap sa mga mamamahayag na ipaabot sa publiko ang tamang proseso ng pagsisilbi ng arrest warrant

Nagpapatulong sa media si Department of Justice (DOJ) Acting Secretary Fredderick Vida upang linawin ang mga maling pananaw ng publiko sa mga legal na hakbang na isinasagawa ng ilang ahensya ng pamahalaan.

Partikular niyang tinukoy ang nangyaring pagsisilbi ng warrant of arrest sa bahay ni dating Congressman Zaldy Co, kahit alam ng lahat na wala ito sa bansa.

Paliwanag ni Vida, tama at walang paglabag sa proseso ang ginawa ng mga awtoridad sa pagsisilbi ng arrest warrant kahit wala ang akusado, dahil kailangan pa ring ibalik ng mga pulis ang naturang warrant sa korte batay sa resulta ng kanilang operasyon.

Aniya, kung naaresto ang isang akusado, ibinabalik ito sa korte para umusad ang kaso; ngunit kung bigo, tulad ng nangyari kay Co, itinuturing na itong pugante.

Giit pa ni Vida, ang nasabing hakbang ay mahalaga para makapagsagawa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ng susunod na legal na proseso.

Nagpaliwanag din ang kalihim hinggil sa kalituhan ng publiko sa pagitan ng hold departure order (HDO) at immigration lookout bulletin order (ILBO), matapos kumalat ang batikos sa pag-alis ng bansa ng ilang sangkot sa flood control project kahit may ILBO na sila.

Ayon kay Vida, ang ILBO ay isang mekanismong nagsisilbing alerto upang ma-verify kung maaari bang lumabas ng bansa ang isang indibidwal. Iba ito sa HDO, na may kapangyarihang pigilan ang isang tao na umalis ng bansa at nangangailangan ng court order.

Facebook Comments