Hindi kumbinsido ang Department of Justice (DOJ) na nagbangka si dismissed Bamban Mayor Alice Guo para makalabas ng Pilipinas.
Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na malabong gumamit ng bangka sina Guo lalo na kung dumaan sila sa bahagi ng South China Sea.
Ayon kay Remulla, hindi ito kapani-paniwala lalo na’t mahirap bumiyahe sa dagat at maraming pirata.
Posible aniyang may mga tauhan ng Immigration na tumulong para makalabas ng bansa si Guo.
Sa ngayon, inaalam na ng DOJ kung may record sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) gaya ng chartered flights ng eroplano partikular ng private planes.
Samantala, tila masama ang loob ng kalihim ng Justice Department kay Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco dahil hindi man lamang daw ipinaalam sa kagawaran ang mga nangyari.
Sabi ni Remulla, hindi na sila nag-uusap ni Tansingco at hindi naman aniya tama ang ganitong asal na wala man lamang alam ang DOJ secretary sa nangyayari sa tanggapan ng Immigration.