
Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na nakakuha na siya ng clearance mula sa Office of the Ombudsman.
Ito ay sa gitna ng kaniyang aplikasyon para maging susunod na Ombudsman at isa sa requirement ng Judicial and Bar Council (JBC).
Sa kabila nito, hindi direktang sinabi ni Remulla kung ibinasura na ng Ombudsman ang motion for reconsideration na inihain ni Senator Imee Marcos na siyang naghain ng reklamo laban sa kanya.
May kinalaman ito sa pag-aresto at pagbibigay kustodiya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kinakaharap nitong kasong crimes against humanity.
Dahil sa clearance, kasama na siya sa irerekomenda ng JBC kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na papalit sa nagretirong si dating Ombudsman Samuel Martires.
Una nang sinabi ng Korte Suprema na kailangan ang clearance para maipakitang walang kinakaharap na kaso ang aplikante na nais mapasama sa shortlist ng JBC.









