DOJ Task Force , nagsumite na ng update ng kanilang imbestigasyon sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian

Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na nagsumite na sa Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Justice (DOJ) Task Force ng update sa imbestigasyon sa mga reklamo ng katiwalian sa gobyerno kabilang na ang ilang miyembro ng Kongreso.

Aminado naman si Secretary Guevarra na hindi pa rin niya nakikita ang nilalaman ng report ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na pinagbasehan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa naging anunsyo nito ng mga pangalan ng mga kongresistang sangkot sa katiwalian.

Hindi rin masabi ng kalihim kung kumpleto na sa porma at mga ebidensiya ang PACC report na nagdadawit sa mga kongresistang sinasabing nakipagsabwatan sa katiwalian sa engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


Ayon kay Sec. Guevarra, kung hindi pa naman kumpleto ang naturang report ng PACC, maaring i-refer muna ito ng Office of the President sa DOJ Task Force Against Corruption para sa kaukulang validation at imbestigasyon o case build-up.

Sinabi pa ni Sec. Guevarra na hihintayin na muna niya ang magiging referral ng Office of the President at kung kumpleto naman ang ulat ng PACC, maaring idiretso na ang reklamo sa Office of the Ombudsman.

Facebook Comments