Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) sa mga makakapagbigay ng mahahalagang impormasyon sa mega task force na nag-iimbestiga sa korapsyon sa gobyerno ay mabibigyan ng seguridad sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Ayon kay Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar, kung may personal silang alam o nakasaksi ng anumang katiwalian sa gobyenro ay maaari silang tumestigo.
Sakaling natatakot sila dahil baka gumanti ang mga taong kanilang isinumbong o nangangamba sila sa kanilang seguridad, sinabi ni Villar na mayroong Witness Protection Program na poprotekta sa kanila.
Ang mega task force ay kasalukuyang binubuo ang operations center na siyang tatanggap ng corruption reports mula sa publiko at siyang mag-e-evaluate kung alin ang ipaprayoridad sa imbestigasyon.
Sa ngayon aniya ay wala pang partikular na alegasyon ng korapsyon ang iimbestigahan.
Una nang sinabi ng DOJ na ang tututukan ng mega task force ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Registration Authority (LRA) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).