Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na patas na ipinapatupad ang batas sa mga lumalabag sa quarantine restrictions.
Ito ay sa kabila ng mga kritisismong mga mahihirap lamang ang karamihan sa mga naaarestong quarantine violators.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, bagama’t mayroong ‘inconsistent’ na pagpapatupad ng rule of law, nagkataon lamang na karamihan sa mga nahuhuli ay mula sa lower income groups.
Simpleng paliwanag ng kalihim, sila ang kadalasang nate-tyempuhan sa mga kalsada.
Binanggit din ni Guevarra ang mga reklamong kinakaharap nina Sen. Koko Pimentel III at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Debold Sinas dahil din sa paglabag sa quarantine protocols.
Nabatid na inakusahan si Pimentel na nilabag ang sariling self-quarantine matapos samahan ang asawa sa ospital nitong Marso.
Si Sinas naman ay ipinagdiwang ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng ‘mañanita’ nitong Mayo sa kabila ng pagbabawal ng mass gatherings.