Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na patuloy ang imbestigasyon sa posibleng pagkakasangkot ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa “pastillas” money-making scheme.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng mga ulat na nakatanggap ang BI officials at personnel na nasa ₱40 million na halaga ng suhol.
Aminado si Guevarra na hindi pa na-a-upgrade ang Salary Grades sa BI, at ito ang dahilan kung bakit laganap ang korapsyon sa ahensya.
Mula nitong September 1, nakapaghain na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ng reklamo laban sa 91 BI officers dahil sa pagkakasangkot sa “pastillas” scheme.
Sa pagdinig ng Senado hinggil sa money-making schemes ng BI, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na ang mga sangkot sa ilegal na raket ay nakapagbulsa ng aabot sa ₱40 billion mula noong 2017 para maipasok ang mga undocumented Chinese nationals sa bansa.