Buo ang tiwala ng Department of Justice (DOJ) na makakakuha ang government prosecutors ng conviction laban kay Police Master Sergeant Jonel Nuezca dahil sa karumal-dumal na pagpatay nito sa mag-iina sa Paniqui, Tarlac noong December 20.
Inirerekomenda ng government prosecutors ang ‘no bail’ para kay Nuezca sa Paniqui Regional Trial Court (RTC) dahil sa pagpatay kina Sonia Gregorio, 55 at sa kanyang anak na si Frank Anthony, 25.
Ang Paniqui RTC Branch 67, na presided ni Judge Bernar Dungo Fajardo ay inaasahang magsasagawa ng unang pagdinig sa kaso ngayong araw.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hinihintay na lamang ng mga prosecutors ang court order hinggil sa pagsasakdal sa akusado.
Batay sa criminal charge sheet na inihain sa RTC, nakasaad na si Sonia ay binaril ni Nuezca ng dalawang beses sa likod ng kanyang ulo.
Ang unang putok ng baril ay ginawa habang nakayakap si Sonia sa kanyang anak at ang ikalawang putok ay habang nakahandusay na siya.
Si Frank ay binaril sa ulo ni Nuezca na walang kalaban-laban habang niyayakap siya ng kanyang ina.
Una nang tiniyak ng DOJ na babantayan nila ang kasong ito para matiyak na maihahatid ang hustisya.