DOJ, tumangging magbigay ng posisyon hinggil sa panawagan sa Kamara na pinaimbestigahan sa ICC ang kampanya kontra droga ng nakalipas na administrasyon

Tumanggi ang Department of Justice (DOJ) na magbigay ng posisyon sa muling panawagan sa Kamara na pinaimbestigahan sa International Criminal Court (ICC) ang kampanya kontra iligal na droga ng nakalipas na administrasyon.

Sa mensahe ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, sinabi nito na kailangan muna nilang pag-aralan ang inihaing resolusyon ng Makabayan Bloc sa Kamara.

Bukod dito, nais din muna ng DOJ na repasuhin ang jurisprudence o batayang legal kaugnay sa isyu ng hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.


Nag-ugat ang pagbuhay sa pagpasok ng ICC para siyasatin ang drug war sa naging pag-amin umano ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang programa sa telebisyon na pinondohan niya ang operasyon laban sa droga partikular sa lungsod Davao.

Una nang iginiit ng DOJ na dahil sa pagkalas ng bansa sa Rome Statute ay walang papel ang ICC sa mga panloob na usapin sa bansa.

Kasama na sa ibinigay na katwiran ng Office of the Solicitor General na may ginagawa naman sariling imbestigasyon at pagsusulong ng mga kaso laban sa mga tukoy na pang-abuso sa kampanya kontra droga.

Facebook Comments