Kontra ang Department of Justice (DOJ) sa panawagang magtatag ng revolutionary government (RevGov).
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi siya sang-ayong isantabi at balewalain ang kasalukuyang Konstitusyon para lamang bumuo ng RevGov.
Tutol aniya siya sa panukalang ito bilang silang abogado, kalihim at isang ordinaryong mamamayang Pilipino.
Pagtitiyak ni Guevarra na iimbestigahan nila ang anumang reklamo na ihahain sa kanila laban sa mga indibidwal na nananawagan ng RevGov.
Paalala ni Guevarra, dumaan ang Pilipinas sa dalawang revolutionary governments sa kasaysayan, kabilang na rito ang 1897 government laban sa Spanish colonial government at 1986 government na nauwi sa People Power Revolution na siyang nagpabagsak sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Iginiit ni Guevarra na nakalatag nang maayos ang Konstitusyon at gumagana ang lahat ng political institutions at patuloy na nakatatanggap ng suporta mula sa mayorya ng mga tao ang pinuno ng pamahalaan.