Hindi pa napapanahon para magpatupad ng ‘safer bubbles’ sa mga indibidwal na nabakunahan na kontra COVID-19.
Ito ang pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra kasunod ng panukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na magtalaga ng COVID-19 safe zones kung saan tanging mga bakunado lamang ang papayagang pumasok gaya ng mga mall, restaurants at ibang business establishments.
Ayon kay Guevarra, maganda ang hangarin ng ideya ni Concepcion na buhaying muli ang ekonomiya ng bansa pero maaari nitong malabag ang equal protection clause ng mga hindi pa nababakunahan pero sumusunod naman sa mandatory health protocols.
Maliban dito, limitado pa rin ang suplay ng bakuna sa bansa.
Una nang tinutulan ng Commission on Human Rights (CHR) ang panukala sa pangambang mauwi ito sa ‘undue discrimination’.