Umaasa si Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na makipagtutulungan ang dalawang panig sa nangyaring “misencounter” sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).
Sa isang pahayag, sinabi ni Guevarra na inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na gawing prayoridad ang pag-iimbestiga sa insidente kasunod na rin ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang sinabi ng Malacañang na dapat ang NBI ang mag-imbestiga rito para masiguro ang “impartiality” o walang pinapanigang kampo.
Matatandaang apat kabilang ang 2 pulis, 1 PDEA agent at isang informant ang nasawi sa shootout noong Pebrero 24.
Kahapon, sumailalim na sa autopsy ang labi ng mga naturang nasawi sa insidente.
Sinabi ni NBI Spokesperson Atty. Ferdinand Lavin, full forensic investigation ang gagawin ng kanilang ahensya.
Kinumpirma rin ng NBI na hawak na nila ang affidavit ng tatlong civilian witness.