
Wala pang natatanggap na opisyal na komunikasyon ang Department of Justice (DOJ) kaugnay sa umano’y pagkaka-aresto kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ito ay matapos na lumabas ang ilang ulat na dinampot na umano si Roque at kasalukuyang nasa isang paliparan sa The Netherlands.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, agad silang magbibigay ng update sakaling makumpirma na ito sa kanila.
Kahapon nang ipag-utos ng Pasig City Regional Trial Court ang pagkansela sa passport ni Roque, Cassandra Ong at iba pang nagtatago na kinasuhan ng human trafficking dahil sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na Lucky South 99.
Sa pulong balitaan naman kanina, sinabi ng Justice Department na kinukumpirma pa nila ang sitwasyon ng asylum request ni Roque.
Una na kasing sinabi ni Roque na aapela sila sa korte lalo’t humihiling siya ng asylum sa The Netherlands dahil sa umano’y nararanasang political persecution sa Pilipinas.
Sa ngayon ay nananatiling pending ang paglalagay sa dating kalihim sa Interpol Red Notice.









