Tuloy-tuloy ang ginagawang trabaho ng Task Force EJK na binuo ng Department of Justice (DOJ).
Ito ang naatasang mag-imbestiga sa mga pagpatay na naganap sa ilalim ng giyera kontra iligal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ambush interview, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ongoing ang ginagawang imbestigasyon ng task force na layong mabigyan ng hustisya ang mga sinasabing biktima ng EJK.
Bukod sa pag-iimbestiga, layon din ng task force na magsagawa ng case build-up at magsampa ng kaukulang kaso sakaling mapatunayang may mga nilabag ang anti-illegal drug campaign.
Una nang tiniyak ni Remulla na paiigtingin nila ang paglaban sa iligal na droga nang hindi nakokompromiso ang karapatang pantao sa tinatawag nila ngayong ‘Bloodless Drug War’ kasabay ng pagrespeto sa rule of law.
Wala pa namang komento ang DOJ sa pahayag kanina ni Duterte na humahamon sa International Criminal Court na mag-imbestiga.