Ipinaubaya na ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla sa National Burea of Investigation (NBI) kung kailan nila matatapos ang imbestigasyon sa pagpaslang sa beteranong broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala sa Percy Lapid makaraang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa nasabing pamamaslang.
Una rito, sinimulan na kahapon ng NBI ang sarili nilang imbestigasyon para alamin ang motibo ng pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.
Ito’y matapos atasan ni DOJ Sec. Remulla ang NBI na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa nasabing pamamaslang.
Kahapon ng umaga, nagtungo ang mga ahente ng NBI sa Manila Memorial Park sa Paranaque City upang simulan na ang kanilang imbestigasyon.
Agad nakipagkita ang mga ito sa naulilang asawa ni Percy Lapid para kunin ang ilang mga mahahalagang detalye bago paslangin ang beteranong broadcaster.
Matatandaan na bukod sa NBI, may sarili na ring imbestigasyon ang PNP upang alamin ang nasa likod ng naturang pagpaslang.
Ilan sa mga sisilipin ng NBI ay ang cellphone ng Lapid, personal na kaaway, programa sa radyo at iba pang mga impormasyon na makakakuha ng lead para malaman ang motibo ng pagpaslang kay Lapid.