Walang nakikitang legal obstruction ang Department of Justice (DOJ) kung ililipat sa Tanggapan ng Pangulo ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ito ang nilalaman ng legal opinion ng DOJ matapos hingiin ng Technical Working Group na siyang nangunguna para sa pag-aaral kung dapat bang ilipat ang PhilHealth sa Office of the President.
Ayon kay Justice Undersecretary Raul Vasquez, may kapangyarihan ang Pangulo na isailalim sa kanyang hurisdiksyon ang mga ahensya ng pamahalaan kung sa jnaakala nito ay kailangan ng mas mabilis na Executive Action.
Una ng hiningi ng Department of Health at PhilHealth ang legal opinion ng DOJ para matiyak na walang magiging balakid sa panukalang isailalim ang State Health Insurance sa Office of the President.
Sinabi pa ni Vasquez, kahit mayroong Congressional Oversight Committee ang Philhealth, hindi naman daw nito masasaklawan ng Pangulo.
Matatandaan na ang PhilHealth ang naatasan ng batas na magpatupad ng National Health Insurance Program o NHIP kung saan obligado silang mag-ulat sa mga mambabatas ng annual health situation ng bansa.