Doktor, dinukot ng armadong kalalakihang nakasuot ng police at military uniform sa Jolo, Sulu

Tinangay ng apat na armadong kalalakihan ang isang doktor sa Barangay Walled City, Jolo, Sulu, kagabi.

Ito ang kinumpirma ni Western Mindanao Command Commander Lieutenant General Cirilito Sobejana.

Aniya, alas-7 ng gabi, kagabi nang makatanggap sila ng report sa ginawang pagdukot sa doktor na kinilalang si Dr. Daniel Moreno nang apat na armadong mga lalaki na nakasuot ng police at military uniform.


Si Dr. Moreno ay nasa loob ng kanyang clinic sa Barangay Walled City nang dukutin ng mga suspek.

Nagmamadaling isinakay ang doktor sa kulay maroon na Tamaraw Fx na ang direksyon ay sa Sta. Nina Rasul Complex, patungong KM3, Indanan, Sulu.

Sa ngayon, sinabi ni Sobejana na nagsasagawa na ng rescue operation ang special unit ng militar sa Jolo, Sulu para mailigtas ang dinukot na doktor.

Facebook Comments