Doktor na nagbibiskleta, patay matapos mabangga ng truck

Image from Facebook/FYT

Patay ang isang 53-anyos na doktor matapos siyang masagasaan ng isang 10-wheeler truck sa Pandacan, Maynila nitong Miyerkoles.

Kinilala ang biktima na si Dr. Maria Theresa Dajao, Medical Officer IV ng Manila Health Department.

Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District, tinatahak ni Dajao ang northbound lane ng President Quirino Avenue sakay ng kaniyang bisikleta nang bigla siyang salpukin ng truck sa likuran.


Naisugod pa ang biktima sa Ospital ng Maynila subalit pumanaw din kinalaunan.

Pauwi na sana ang doktora mula sa duty sa Kahilum Health Center nang maganap ang malagim na aksidente.

Pahayag ni Dr. Arnold Pangan, acting city health officer ng Manila health department, malapit daw ang bahay ni Dajao sa nasabing health center kaya nagbibiskleta lamang ito tuwing dumu-duty doon.

Labis naman ang pagdadalamhati ng buong departamento sa biglaang pagpanaw ni Dajao na anila isang mabait, maasahan, at masipag na manggagamot.

“Dra. Dajao is a hardworking and dependable Physician-in-Charge of Kahilum Health Center of Manila Health Department. Her significant contributions providing a higher standard of health care services to the Manilans, will be sorely missed by her colleagues and friends in the Manila Health Department,” dagdag ni Dr. Pangan.

Agad nadakip ng pulisya ang drayber ng truck subalit pinalaya rin ito makaraang makipag-areglo sa naulilang pamilya.

Facebook Comments