Doktor sa France, inakusahan ng pangmomolestya sa 349 bata

Nililitis ang isang retiradong surgeon sa France sa reklamong panggagahasa at pang-aabuso ng 349 na mga bata, karamihan ay mga pasyente sa ilang dekadang pagtatrabaho.

Dininig sa korte sa Saintes nitong Biyernes ang isinampang kaso ng mga umano’y biktima ni Joel Le Scouarnec, 69, kabilang ang dalawa niyang pamangkin.

Habang gumugulong ang imbestigasyon, nagpatong-patong ang reklamo laban sa doktor na pinaghahandaan na ng korte kapag natapos ang pagdinig.


Nakarating sa awtoridad ang unang reklamo noong 2017 nang magsumbong ang isaang 6-anyos na kapitbahay sa kanyang nanay na minolestiya siya ni Le Scouarnec sa kanilang bakuran.

Nang halughugin ang bahay ng suspek, nadiskubre ang higit 300,000 litrato ng mga bata at ilan pang pornograpiya, kabilang ang mga notebook na pinagsulatan ng doktor ng mga detalye ng kanyang panghahalay sa mga batang babae at lalaki mula 1989 hanggang 2017.

Umamin naman si Le Scouarnec na ginalaw ang mga bata, kabilang ang kanyang mga pamangkin, ngunit itinangging “pinasukan” ang mga biktima.

Sa panayam sa regional prosecutor na si Laureline Peyrefitte noong Disyembre, sinabi niyang nasa 349 ang hinihinalang biktima ng retiradong doktor.

Kinausap ang 229 katao na nakita sa notebook, at sa ngayong buwan, nasa 200 na umano ang naghain din ng reklamo sa korte, ayon sa Associated Press.

Ayon sa awtoridad, isinasagawa ni Le Scouarnec ang pananamantala tuwing mag-isa sa kuwarto sa ospital, habang ang iba naman ay sa operating room.

Mahaharap sa 20 taong pagkakakulong ang surgeon kung mapatunayang may sala.

Facebook Comments