Doktor sa Italy, patay matapos manggamot nang walang suot na gloves sa COVID-19 patients

(Unsplash)

Binawian ng buhay ang isang 57-anyos na doktor mula Italy dahil sa coronavirus COVID-19 dulot nang kanyang paggagamot sa mga pasyente nang walang suot na gloves.

Kamakailan lang ay nakapanayam pa ng Euronews si Marcello Natali mula Codogno, Lombardy kung saan inamin nito ang mabilis na pagkakaubusan ng medical supplies gaya ng masks, gloves at iba pa.

Sa interview ay nanawagan ito tungkol sa mabilis na pagtaas ng bilang ng mga doktor na nahahawa ng virus dahil sa kakulangan ng medical kits.


Saad niya, hindi na raw niya magawang magtrabaho nang may gloves dahil ubos na rin daw ang suplay nito.

Ayon pa kay Dr. Natali, bagaman hindi nila napaghandaan ang kasalukuyang sitwasyon, hindi pa rin daw sapat ang mga gamot na ipinaiinom sa kanila para maiwasan ang pagkahawa sa virus.

Mabilis na pagkalat ng double pneumonia ang ikinamatay ng doktor matapos itong magpositibo sa COVID-19, na agad kinumpirma ng Italian Federation of General Practitioners.

Ayon sa ulat, umabot na sa 110 doktor ang nagkakasakit na sa Italy ngunit nananatiling mababa ang suplay ng mga medical kits na kakailanganin umano nila para masiguro ang kanilang kaligtasan sa kabila ng matinding panggagamot sa mga coronavirus patients.

Samantala, idineklara naman ni Italy prime minister Giuseppe Conte na magkakaroon ng extension lockdown sa bansa na nagsimula noong Marso 9 kung saan makakalabas lang daw ang iilang tao para bumili ng pagkain, gamot at kung kinakailangang magtrabaho.

Facebook Comments