Patay ang isang emergency room doctor mula New York City dahil sa suicide matapos makarekober sa COVID-19.
Kwento ng ama ni Dr.Lorna Breen, 49, nasawi ito noong Linggo sa Charlottesville, Virginia kung saan nakatira ang kanyang kapatid na babae.
Nagtatrabaho si Breen bilang doktor sa Columbia University Irving Medical Center at New York-Presbyterian hospital system.
Ayon sa ama nitong si Philip Breen, isang retiradong trauma surgeon ang anak at madalas daw nilang napag-uusapan ang trabaho.
Nakwento raw nito na ang mga kasamahan sa ospital ay nagtatrabaho ng 18 oras kada araw at natutulog na sa hallways.
Nakatalaga si Breen sa emergency department at naging isa sa frontline na nag-asikaso sa mga pasyente ng COVID-19.
Ngunit sa kasamaang-palad ay nahawa daw ang anak ng virus at umabot ng isang linggo bago tuluyang nakarekober.
Matapos nito ay nagpasya raw si Breen na bumalik sa trabaho kung saan hindi na umano nito kinakaya ang 12 oras na shift.
Naisugod ito sa ospital dahil umano sa matinding pagod at makalipas ang isang linggo ay nakalabas din si Breen at nagpasyang manatili sa bahay ng ina.
At noong weekend naman ay nakiusap itong manatili sa bahay ng kapatid na babae kung saan ito natagpuang wala ng buhay.
Linggo nang makatanggap ng tawag ang mga pulis para sa medical assistance dahil sa trahedya ngunit hindi na nagawang maisalba pa ang buhay ni Breen dahil sa mga tinamong sugat.
Labis ang pagdadalamhati ng pamilya nito at ng mga kasamahan sa trabaho.
Saad ng New York City hospitals, “Words cannot convey the sense of loss we feel today. Dr. Breen is a hero who brought the highest ideals of medicine to the challenging front lines of the emergency department.”
Dagdag nila, kinakailangan nilang suportahan ang pamilya at kaibigan ni Breen ngayong panahon na nagdaranas ng hirap ang lahat dahil sa COVID-19 crisis.