Naglunsad ng imbestigasyon ang pulisya sa South Korea matapos magsagawa ng pagpapalaglag ang isang doktor sa maling babae.
Bigo umano ang gynecologist at isang nars na kumpirmahin muna ang pagkakakilanlan ng pasyente bago isagawa ang operasyon.
Ayon sa imbestigasyon, nagtungo sa clinic sa Gangseo, Seoul, ang biktimang Vietnamese national na 6-linggong buntis para lang sana sa nutritional supplements nitong Agosto 7.
Tinurukan ng nars ng anesthesia ang pasyente nang hindi tinitiyak ang pangalan nito, at saka isinagawa ng doktor ang aborsyon nang hindi rin muna tintignan ang pagkakakilanlan nito, ayon sa mga lokal na pahayagan.
Bumalik kinabukasan ang pasyente dahil sa pagdurugo at saka lang nito nalaman na nalaglag na ang kanyang dinadala.
Umamin naman sa pagkakamali ang dalawa na nahaharap sa kasong pagpapabaya.
Nitong Abril lang nang mapagdesisyunan sa Constitutional Court ng South Korea na gawing ligal ang aborsyon sa katapusan ng 2020 matapos ang 66 taon na pagbabawal dito.
Ngunit sa umiiral na batas, iligal pa rin ang naturang gawain na may parusang isang taong pagkakakulong, liban na lang sa mga pasyenteng may minanang sakit, sa mga biktima ng rape o incest, at kung delikado ang lagay ng nagbubuntis.