Suspendido ang isang obstetrician (OB) sa Portugal matapos ipanganak ang sanggol na nasa pangangalaga niya na walang ilong, mata o bahagi ng bungo.
Nagkaisa ang Medical Council ng naturang bansa na patawan ng anim na buwang suspensyon si Dr. Artur Carvalho na nagpaanak sa sanggol na si Rodrigo.
Salaysay ng nanay ng bata sa BBC, tatlong beses siyang nagpa-ultrasound sa pribadong clinic kay Carvalho na walang sinabing problema noon.
Sa ika-anim na buwan ng pagbubuntis, nakuhanan siya ng mas detalyado at 5D ultrasound sa ibang clinic kung saan nakita ang posibilidad ng pagkakaroon ng abnormalidad–na ipinagsawalang bahala umano ni Carvalho.
Ayon sa tiyahin ni Rodrigo, sinabi raw ng doktor na may mga pagkakataong hindi nakikita ang ibang bahagi ng mukha ng sanggol kapag nakadikit sa tiyan ng nanay.
Walang ideya ang mga magulang sa kapansanan ng bata hanggang sa isinilang ito noong Oktubre 7 sa ao Bernardo Hospital sa Setubal.
Sinabi umano ng mga doktor na ilang oras lang ang itatagal ni Rodrigo, ngunit buhay pa rin at nananatili sa ospital ang bata higit dalawang linggo na ang nakalipas, ayon sa mga ulat.
Ayon kay Alexandre Valentim Lourenco, medical council chief, may matibay na ebidensya ng pagpapabaya ng doktor.
Naghain na ng reklamo ang mga magulang ng sanggol sa piskalya at napag-alaman na hindi ito ang unang pagkakataon na may nagdemanda kay Carvalho.
Sa ulat ng BBC, mayroon pang anim na reklamo laban sa doktor–ilan dito ay dekada na ang nakalipas, gaya ng kaso noong isilang ang isang sanggol noong 2011 na may abnormalidad sa mga binti, mukha, at utak.