DOLE Advisories, pinaparepaso ni Senator Marcos

Pinapapalitan ni Senator Imee Marcos sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang inilabas nitong advisories na madaling abusuhin ng ilang kumpanya para patagalin ang floating status ng mga empleyado.

Ito ay kasunod ng mga impormasyong natanggap ni Marcos lalo na sa sektor ng business process outsourcing, na may mga kompanya na naglagay sa floating status sa kanilang mga empleyado ngayong may krisis dulot ng COVID-19.

Ayon kay Marcos, pakiramdam ng mga empleyadong naka-floating, ay inilagay sila sa ganoong status para mapilitang mag-resign, na magreresulta para maabsuwelto ang kumpanya sa pagbabayad ng ilang taon nilang serbisyo kasama sa separation benefits.


Diin ni Marcos na nagagamit nang mali ang labor advisories 9 at 17 na nagpapahintulot sa mga kumpanya na magpatupad ng kaunting pagbabago sa oras at paraan ng kanilang operasyon gayundin ang adjustment sa sahod at benepisyo ng mga empleyado habang may community quarantine.

Ayon kay Marcos, maganda ang intensyon ng nabanggit na labor advisories para mapanatili ang maraming trabaho habang inaayudahan ang mga negosyong apektado pero parang minadali at hindi pinag-aralan ng DOLE lalo’t pansamantala lamang ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) at General Community Quarantine (GCQ).

Giit ni Marcos, hindi na dapat naka-floating status ang mga empleyado ngayon dahil nasa GCQ na ang Metro Manila at pinapayagan na rin ang pagbubukas ng negosyo basta’t magpatupad ng mahigpit na quarantine measures.

Facebook Comments