Aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na inasahan na nila na hindi madadagdagan ang mga Pilipinong mayroong trabaho sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa NCR Plus simula March hanggang April, 2021 at Modified ECQ mula May 1 – 15, 2021.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na malaki ang naging epekto nito sa April Labor Force Survey result dahil sa mga restriction sa mga manggagawa para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Sa datos ng DOLE, tumaas ang unemployment rate sa 8.7% o 4.1 million mula sa dating 7.1% lamang o 3.4 milyon na mga Pilipino na walang trabaho noong Marso.
Bahagya ring tumaas ang bilang ng mga underemployed na manggagawa sa 118,000 o 17.2% mula sa dating 16.2% o 1.3 milyon noong March 2021.
Sa kabila nito, naniniwala ang DOLE na sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga negosyo mapapanatili ang employment recovery at economic recovery ng bansa.