DOLE at CSC, dapat mag-isyu ng guidelines para matiyak na may sweldo pa rin ang mga manggagawang magpapabakuna sa National Vaccination Days

Iginiit ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva sa gobyerno na ikalat ang direktiba mula sa pangulo na nagsasabing ang lahat ng magpapabakunang manggagawa, pribado man o sa pamahalaan na sa loob ng tatlong araw na national vaccination holiday ay hindi mamarkahang lumiban sa trabaho.

Kaugnay nito ay pinaglalabas ni Villanueva ng guidelines ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Civil Service Commission (CSC) para sa mga manggagawang magpapaturok na ng bakuna mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Paliwanag ni Villanueva, kung gusto ng pamahalaan na mas maraming magpabakuna sa mga araw na iyon ay dapat nitong ipaalam sa lahat na parang “paid vacation leave” ang turing dito at hindi iiral ang ‘no work, no pay.’


Diin ni Villanueva, ayon mismo sa atas ng pangulo na ang vaccination card ay magsisilbi nilang excuse slip.

Tinukoy ni Villanueva ang Proclamation No. 1253 ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga manggagawa mula sa pribado at gobyerno na lalahok sa national vaccination drive ay “excused” sa pagpasok sa trabaho, basta kailangan lang magbigay ng pruweba na nagpabakuna sa mga araw na iyon.

Facebook Comments