DOLE at DFA, tiniyak sa Kamara ang tuloy-tuloy na pagtulong sa OFWs na apektado ng 5th wave ng COVID-19 sa Hong Kong

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa Kamara na tuloy-tuloy ang assistance o tulong na ibibigay sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng ‘fifth wave’ ng COVID-19 pandemic sa Hong Kong.

Sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni Karen Arlan ng Department of Labor and Employment-International Labor Affairs Bureau (DOLE-ILAB), na hindi tumitigil ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa OFWs na nagkasakit at kasalukuyang apektado ngayon ng pandemya sa HK.

Kabilang sa mga tulong na kanilang ibinibigay sa OFWs sa HK ay pinansyal na tulong na nagkakahalaga ng 200 US dollars gayundin ng mga pagkain, gamot at iba pang kinakailangan.


Bukod dito ay nakipag-ugnayan din ang gobyerno sa private ambulance services para mag-assist 24/7 sa OFWs na nagpositibo sa COVID-19.

Samantala, iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Kamara na sa kasalukuyan ay aabot na sa 314 OFWs sa HK ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Senior Special Assistant Jose Cabrera ng DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, mula sa 314, 88 ang naka-recover o gumaling na mula sa sakit, habang nasa 226 pa ang nasa isolation.

Facebook Comments