DOLE at Labor Unions, magpupulong ngayong araw para talakayin ang 13th Month Pay

Makikipagpulong ngayong araw ang ilang labor group sa Department of Labor and Employment (DOLE) para talakayin ang isyu sa 13th Month Pay.

Ayon kay Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay, maninindigan sila na ang 13th month pay ay hindi maaaring i-waive, kanselahin, ipagpaliban o hindi ibigay sa mga manggagawa.

Wala aniyang dahilan para hindi ibigay ng mga negosyo o kumpanya ang 13th month pay sa kanilang mga manggagawa.


Aniya, mayroong ₱150 billion economic relief cash assistance sa pamamagitan ng ARISE program ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 na direktang ipinamamahagi sa mga maliliit na negosyo para makabangon mula sa krisis.

Dagdag pa ni Tanjusay, walang probisyon sa 13th month pay na nagpapahintulot ng exemptions o i-antala ang pagbibigay nito sa mga empleyado.

Iginiit naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nakasaad sa Implementing Rules and Regulations ng Presidential Decree no. 851 ang exceptions.

Nakatakdang gawin ang pulong mamayang alas-2:00 ng hapon.

Facebook Comments