DOLE, dapat maglabas ng panuntunan na magbibigay proteksyon sa delivery riders

Pinaglalabas ni Senator Joel Villanueva ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga panuntunan para siguruhin ang proteksyon at tamang kita ng mga food riders at iba pang freelance workers.

Sabi pa ni Villanueva, maaring atasan ng pangulo ang DOLE na maglabas ng mga patakaran na gumagarantiya sa karapatan at kapakanan ng mga food delivery riders at mga manggagawang nasa gig economy.

Ayon kay Villanueva na syang Chairman ng Senate Committee on Labor, mainam itong gawin ng DOLE habang binabalangkas ang mga panukalang Freelance Workers Protection Act para sa kapakanan ng food riders at iba pang freelance workers.


Diin ni Villanueva, bilang “essential frontliners” ang mga food couriers ay malaking tulong sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan at isang malaking kabalintunaan kung sila ay hahayaang mamuhay sa kakarampot na kita kapalit ng kanilang sakripisyo.

Paliwanag ni Villanueva, ang mga negosyo sa panahon ng pandemya ay nagresulta sa mas maraming mga freelancers tulad ng mga rider’s kaya dapat ay mahagip ng ating mga batas at mga patakaran ang ganitong makabagong work arrangements.

Facebook Comments