DOLE, dismayado sa turnout ng job fair para sa POGO workers

Dismayado ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mababang resulta ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) worker na dumating sa ikinasang job fair para sa kanila.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, sa humigit kumulang 1,000 na nagparehistro online sa job fair, wala pang kalahati ang dumating.

Aniya, mas marami pa ang nag-walk-in na hindi galing sa POGO o Internet Gaming Licensee (IGL).


Kaya naman plano ng DOLE na muling magsagawa ng job fair para sa kanila sa susunod na buwan.

Sa pagkakataong ito, makikipag-ugnayan ang DOLE sa POGO companies para bigyang pagkakataon ang kanilang mga empleyado na pumunta sa job fairs.

Base sa ginawang profile ng DOLE, nasa 27,000 ang apektadong manggagawang pinoy sa POGO ban sa National Capital Region (NCR).

Sinabi pa ni Laguesma na patuloy pa ang profiling nila sa iba pang POGO workers, sa CALABARZON partikular sa Cavite na nasa 7,000 apektadong manggagawa na ang kanilang na-profile.

Facebook Comments