DOLE, gumagawa ng hakbang para mapanagot ang umabuso at nagsamantala sa isang OFW sa Saudi Arabia

Inatasan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang ilang ahensiya at tanggapan ng pamahalaan para bigyang hustisya ang sinapit ng isang babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) na ginahasa at inabuso sa Saudi Arabia.

Ayon kay Bello, gagawin nila ang lahat upang mapanagot ang mga may kasalanan sa sinapit ng OFW na itinago sa pangalang “Michelle” kung saan pinagsamantalahan siya ng may-ari ng isang foreign recruitment agency at minolestiya pa ng isa sa kaniyang employer.

Nabatid na si Michelle ay nakabalik na rin ng bansa matapos ma-repatriate at kanya ring iginigiit na walang ginawa ang local employer nito hinggil sa kanyang mga reklamo.


Dahil dito, inatasan ng kalihim ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na papanagutin ang ahensya ni Michelle na SAMA International Recruitment Agency kung saan nais ni Bello na sampahan ito ng kaso at suspindihin na rin upang hindi na maulit sa iba ang nangyari sa nasabing OFW.

Maging ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh ay inatasan ni Bello na maghain ng kaukulang kaso upang mapanagot ang may-ari ng Home Comfort for Manpower Services na si Meshail Mabrook Al Bassani Al Qahtani at employer na si Abdulaziz Ahlas dahil sa panggagahasa at pang-aabuso kay Michelle.

Kasama rin tumutulong ng DOLE ang Public Attorney’s Office (PAO) upang mabigyan ng legal assistance ang nabanggit na OFW.

Facebook Comments