Handang tulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kumpanya na makasunod sa kasalukuyang COVID-19 workplace protocols.
Nabatid na naglabas ang DOLE at Department of Trade and Industry (DTI) ng Joint Memorandum Circular o Supplemental Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Labor Assistant Secretary Teresita Cucuenco na may ilang kumpanya pa rin ang hirap na makasunod sa mga patakaran at sila ang kanilang prayoridad na tulungan.
Maaari silang magbigay ng technical assistance sa lahat basta mayroong maayos na koordinasyon sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor.
Mayroong mga labor inspectors na bumibisita sa mga workplace at nagsasagawa ng interview sa mga empleyado at ginagamit ang guidelines bilang checklist para sa kanilang compliance.
Nagbabala si Cucuenco sa mga kumpanya na mayroong parusa sa ilalim ng Occupational Safety and Health (OSH) Law sa mga lalabag sa COVID-19 safety protocols.
Sa ilalim ng batas, papatawan ng administrative fine na hindi lalagpas ng ₱100,000 kada araw ang isang kumpanya hanggang sa sila ay makasunod.