DOLE, hihikayatin ang mga employer na pasahurin pa rin ang mga manggagawang hindi makakapasok sa trabaho dahil naka-quarantine – ALU-TUCP

Maglalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng labor advisory sa mga kompanya kaugnay ng pagpapasahod sa mga manggagawang mag-a-isolate dahil sa COVID-19.

Kasunod ito ng pangamba ng mga manggagawa na mawalan sila ng income oras na sila ay mag-isolate.

Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, marami kasi sa mga manggagawa ang pinipiling itago na may sintomas sila ng COVID-19 dahil sa takot na mawalan ng trabaho.


“Kinakailangan talagang ano e, seryosohin at kumpletuhin ng mga manggagawa itong isolation and quarantine,” saad ni Tanjusay sa panayam ng RMN-DZXL558.

“Dapat bigyan natin ng insentibo o kaya dapat ay totoohanin dahil kung itatago at magtatahimik ang mga manggagawa despite the symptoms dahil natatakot silang mawalan ng income, malaking problema yan sa company. Madadamay ‘yung mga kasama sa trabaho, matutuluyang magsara yung company,” dagdag niya.

Samantala, nakapaloob sa abiso ang panghihikayat ng DOLE sa mga employer na bayaran pa rin ang mga manggagawa sa mga araw na hindi sila makakapagtrabaho dahil naka-quarantine.

Dapat din aniya na hiwalay ito sa mga leave credit na ibinibigay ng mga kompanya.

Gayunman, aminado si Tanjusay na hindi nila mapipilit ang mga kompanya na sumunod dahil hindi naman compulsory ang utos ng DOLE.

“Sabi ni Secretary Bello, walang kapangyarihan ang DOLE na compulsory kumbaga ang advisory o ‘yung regulation na ilalabas nila, pero ang sabi ng DOLE, i-e-encourage na lang ‘yung mga employers,” saad pa ni Tanjusay.

“Sa amin sapat na yun, ang mahalaga rito, mayroong guidance, mayroong kasulatan, mayroong authority from the government na dapat bayaran ng mga employer ‘yung mga manggagawang naka-quarantine, especially yung mga manggagawang nahawa ng COVID sa workplace. Hindi naman niya choice na mahawa siya,” aniya pa.

“Positibo naman kami na maraming magko-comply kasi alam naman namin na maraming mabubuting employer at naiintindihan nila na dapat bayaran nila yung isolation period ng mga manggagawa,” pahayag pa niya.

Facebook Comments