Iginiit ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang pinipili ang pamahalaan sa pagkakaloob ng ayuda lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, bukas ang gobyerno sa lahat ng manggagawa na matinding tinamaan ng pandemic kabilang na rito ang LGBTQ community gaya ng lesbian, gay, bisexual, transgender at iba pa.
Isa sa mga pangunahing programa ng gobyerno sa mga manggagawa sa pamamagitan ng DOLE ay ang flagship program nito na ‘Tulong Panghanapbuhay para sa ating Disadvantaged/Displaced Workers’ o TUPAD.
Ang TUPAD ay tulong pinansiyal ng gobyerno o cash-for-work program upang makatulong sa mga sektor ng informal workers na makaahon sa matinding epekto ng COVID-19 outbreak.
Ginawa ng kalihim ang pahayag nang magkaloob ng naturang financial assistance na ₱4.076 million sa 1,019 beneficiaries sa mga manggagawa sa Sinoloan, Laguna at isang milyong piso sa apat na barangay sa nabanggit na bayan.
Bukod sa lalawigan ng Laguna, puspusan ang pagkakaloob ng DOLE ng cash sa lalawigan ng Rizal, Cagayan at magpapatuloy ang TUPAD program sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.