Humiling si Labor Secretary Silvestre Bello III sa gobyerno ng wage subsidy sa halip na umento sa sahod.
Ito’y para sa mga minimum wage earner sa harap ng patuloy na pagtaas ng bilihin dahil sa sunod-sunod na oil price hike na naranasan sa bansa.
Sa pahayag ni Sec. Bello, nasa P5,000 ang kaniyang inihihirit kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga manggagawa small enterprises.
Aniya, malaking tulong ito sa mga nasabing manggagawa lalo na’t bukod sa gastos sa pagbiyahe papasok sa trabaho, halos doble na rin ang kanilang gastos para sa pamilya.
Nilinaw naman ni Dir. Rolly Francia ng Information and Publication Service ng DOLE, sakop ng nasabing proposal ni Sec. Bello ang mga manggagawang lubos na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at ng COVID-19 pandemic.
Matatandaan na umaabot na sa 20 petitions ang inihain sa Regional Wage Board para sa umento sa sahod kung saan sinisimulan na ng naturang tanggapan ang proseso nito.