Hiniling ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan ang nasa 600 nurses na makaalis ng bansa sa gitna ng ipinatutupad na temporary ban sa Filipino healthcare workers.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor na pinamumunuan ni Senator Joel Villanueva, sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia na inirekomenda nila sa IATF na bawiin ang suspensyon ng deployment ng mga nurse.
Aniya, nagkaroon ng konsultasyon ang DOLE at POEA sa health care industry kung saan umapela ang Philippine Nurses Association (PNA) na payagang umalis ng bansa ang 600 nurses.
Nasa kamay na ng IATF ang desisyon kung aaprubahan ito o hindi.
Sa ilalim ng IATF Resolution No. 64, kung saan sinususpinde ang overseas deployment ng medical at allied health workers.
Exempted naman dito ang mga health workers na mayroong work contracts mula nitong March 8, maging ang mga “Balik Manggagawa” o mga nagtatrabaho sa abroad pero nandito sa Pilipinas para magbakasyon.