DOLE, ipinaalala ang deadline sa pagpasa ng aplikasyon ng mga manggagawa para makakuha ng cash assistance

Ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa na ngayon ang huling araw (December 11, 2020) ng paghahain ng aplikasyon upang makakuha ng tulong pinansiyal mula sa COVID Adjustment Measures Program (CAMP) ng kagawaran.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sa ilalim ng Labor Advisory No. 33, nakamit na ng DOLE ang saktong bilang ng mga benepisyaryo sa naturang programa para sa one-time cash assistance na P5,000 na tinatakda sa Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 2.

Saklaw din ng programa ang teaching at mga non-teaching personnel sa pribadong educational institutions.


Sa pinakahuling talaan, nasa higit 1.4 milyun na empleyado mula sa 36,355 establishment ang nag-apply sa CAMP kung saan sumobra ng 2,000 sa target na bilang na beneficiaries ng programa.

Nabatid na sa apat na bilyong CAMP allocation, naipamahagi na sa mga beneficiary ang P2.3 billion o 54 percent.

Pinaalala ng kalihim na ang mga application sa CAMP na naihain bago ang deadline ay sasalang sa evaluation ng DOLE regional offices.

Nakasaad pa sa advisory na patuloy na tatanggapin at ipruproseso ng DOLE regional offices ang mga applications mula sa mga manggagawa sa sektor ng turismo na humihiling rin ng financial assistance sa ilalim ng CAMP.

Facebook Comments