Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na sundin ang tamang pagbabayad o pagpapasahod sa mga manggagawa ngayong Christmas Eve at Christmas Day.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang mga empleyado sa pribadong sektor na papasok sa December 24 at 25 ay makakatanggap ng mataas na sahod.
Ang Christmas Eve (December 24) ay special holiday habang ang Araw ng Pasko ay isang regular holiday.
Ang mga papasok sa special non-working holiday ay babayaran ng karagdagang 30% sa kanilang basic salary sa unang walong oras ng trabaho at may karagdagang 30% kada oras kapag nag-overtime.
Kung tumama sa araw ng pahinga at pumasok ang empleyado, babayaran sila ng karagdagang 50% sa kanilang basic wage sa unang walong oras ng trabaho.
Ang mga hindi papasok sa regular holiday ay matatanggap pa rin ng buo ang kanilang sahod sa araw na iyon, habang ang mga papasok naman ay makakatanggap ng 200-percent ng kanilang regular na sahod sa unang walong oras.
Kung overtime, babayaran ang kanilang bawat oras ng karagdagang 30%
May karagdagang 30-percent na hourly rate kapag pumasok ang empleyado sa regular holiday na tumama sa kanilang rest day.