DOLE, kinumpirmang umuusad na ang imbestigasyon ng NBI laban sa ilang lokal na opisyal ng Quezon City na sangkot sa katiwalian sa “Tupad Program”

Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na umuusad na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang reklamong inihain nila laban sa mga lokal na opisyal ng Quezon City na sangkot sa sinasabing iregularidad sa pagpapatupad ng TUPAD Program o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.

Ginawa ni DOLE PIO Director Rolly Francia ang kumpirmasyon matapos ang kanilang pagdulog sa NBI para pa-imbestigahan ang ilang opisyal ng Quezon City hinggil sa sinasabing pagbulsa ng mga ito ng pondo para sana sa mga manggagawang naapektuhan ng pandemya.

Una nang ibinunyag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ilang beneficiaries ng TUPAD Program ng DOLE ang nagreklamo dahil ang natanggap lamang nilang bayad sa sampung araw na pagta-trabaho ay ₱1,000 hanggang ₱2,000 sa halip na ₱5,350.


Habang ang nag-trabaho aniya ng 15 araw ay nakatanggap lamang ng ₱8,025.

Sinabi pa ni Bello na mayroon ding nakinabang sa pondo na hindi naman talaga nagtrabaho at maliwanag aniya itong scam at nagkaroon ng iregularidad.

Una nang inireklamo ng DOLE sa Office of the President si Quezon City Cong. Alfred Vargas at kapatid nitong konsehal.

Kinumpirma naman ni Director Francia na kabilang sa pina-iimbestigahan nila sa NBI si Quezon City Congresswoman Precious Hipolito-Castelo at asawa nitong si Councilor Winston “Winnie” Castelo.

Sa ilalim ng TUPAD Program, ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ay binibigyan ng Labor Department ng emergency employment tulad ng minimum period na 10 araw na trabaho at maximum na 30 araw at may sweldong ₱535 kada araw.

Facebook Comments