Magkakasa ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng online job fair na may 55,000 job vacancies sa Independence Day sa Sabado, June 12.
Sa nasabing bilang, higit 30,000 ang local vacancies kabilang ang customer service representatives, production operator o factory workers, security guard, caption writer at live note-taker, at collections specialist.
Higit 20,000 naman ang bakanteng trabaho sa ibang bansa, na karamihan ay nurse, radiographer at physiotherapist, cleaners, karpintero, mason at mga mekaniko.
Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, ang National Capital Region (NCR) pa rin ang may pinakamaraming bakanteng trabaho na nasa 23,243.
Aniya, sakaling hindi matanggap sa job fair, mayroong government internship program ang pamahalaan kung saan 5,000 ang iha-hire sa loob nang 3 o 6 na buwan para maging healthy economic recovery officers na itatalaga sa mga Local Government Unit (LGU).
Sa nais lumahok sa job fair, maaaring magpa-register sa itinalagang website ng DOLE kada rehiyon.
Maaari ring makita ang mga impormasyon sa DOLE at Bureau of Local Employment websites.