Manila, Philippines – Magsasagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng job fair bukas, February 9 kung saan prayoridad ang mga manggagawa ng Korean shipbuilder na Hanjin Heavy Industries na nawalan ng trabaho.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III – nagsagawa na sila ng profiling ng nasa halos 3,000 manggagawa ng Hanjin na maaring kwalipikado sa iba’t-ibang trabaho.
Aniya ang Hanjin ay naghain ng pagkalugi at ang halos 3,800 manggagawa nito ay mapapaso na ang kontrata sa February 15.
Pero nilinaw ng kalihim na ang job fair ay bukas din para sa mga naghahanap ng trabaho sa Central Luzon at kalapit na lugar na may skills sa construction o may kaparehas na larangan.
Sinabi ni Bello na maraming kumpanya na ang naghahanap ng skilled workers.
Nasa 77 kumpanya ang mag-a-alok ng higit 22,000 trabaho partikular ay carpenters, pipe-fitters, steel men, welders, scaffolders, electricians, painters, masons at laborers.
Gaganapin ang job fair sa Subic Gymnasium.