Aarangkada na simula sa Lunes hanggang Miyerkules ang “free bike project” ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOLE for Special Concerns Director Karina Perida-Trayvilla na mamimigay sila ng nasa 900 mga bike sa buong bansa para sa mga manggagawang lubos na naapektuhan ng COVID-19.
Ayon kay Trayvilla, nakipag-partner sila sa Grab at LalaFood/Lalamove para maging delivery service riders ang mga makakakuha ng libreng bike upang magkaroon ang mga ito ng pagkakakitaan.
Maliban sa bagong bike, makatatanggap din ang mga mananalo ng insulation bag, protective helmet, reflective vest, bike rack, cellphone at load wallet.
Bago sumabak sa bagong trabaho, sasailalim muna sila sa training hinggil sa traffic regulations, financial literacy maging sa occupational safety and health standards.