DOLE, mangangailangan ng 15 billion pesos para pondohan ang emergency jobs program

Plano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magbigay ng trabaho sa mga manggagawang nasa informal sector sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Ito ay sa ilalim ng tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, target ng enhanced TUPAD program na matulungan ang nasa dalawa hanggang tatlong milyong informal sector workers na apektado ng business disruptions na dulong ng COVID-19 pandemic.


Tinatayang nasa 10 hanggang 15 bilyong piso ang kailangan para mapondohan ang programa.

Sinabi rin ni Bello, na nakikipag-usap na rin ang pamahalaan sa mga lider ng construction industry para tumanggap ng karagdagang manggagawa kasabay ng pagpapatupad ng Build, Build, Build Program.

Sa huling tala ng DOLE, aabot na sa higit 2.7 million na manggagawa ang apektado ng COVID-19 pandemic at inaasahang aabot ito ng lima hanggang sampung milyon kapag nagpatuloy ang lockdown.

Kasabay ng inaasahang pagdating ng 44,000 repatriated OFWs ngayong buwan at Hunyo, pinamamadali na rin ng DOLE ang pagpapauwi sa 24,000 OFWs na nastranded sa Metro Manila.

Matatandaang sinisilip ng pamahalaan na bigyan ng wage subsidies para matulungan ang mga employer sa ilalim ng panukalang Philippine Economic Stimulus Act.

Facebook Comments