Naglabas ng kautusan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na nagpapaalala sa mga manning agencies o shipping companies sa kanilang obligasyon sa mga seafarer na isasailalim sa mandatory community quarantine.
Sa harap ito ng patuloy na pagdami ng mga umuuwing Pinoy seafarers sa gitna ng ipinatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ng pamahalaan.
Sa Department Order No. 211-A series of 2020 ng DOLE na pirmado ni Labor Secretary Silvestre Bello III o ang Amendatory and Supplemental provisions sa nauna nitong D.O., iginiit ng kagawaran ang obligasyon ng mga manning agency sa bansa na kailangang sagutin ng mga ito ang board and lodging ng kanilang seafarers sa panahon ng quarantine period bilang pagsunod sa Maritime Labor Convention of 2006.
Ayon sa DOLE, dapat itong sundin ng mga recruitment at manning agencies sa ilalim man ng community quarantine o sa tinatawag na ‘new normal’.
Inatasan din ng DOLE ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mahigpit na ipatupad ang mga probisyon ng Maritime Labor Convention.
Una nang naglabas ng Resolution No. 23 series of 2020 ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) para sa pagsasailalim sa mandatory quarantine ng lahat ng mga repatriated OFWs.