DOLE, naalarma sa panganib na dala ng matinding init ng panahon sa mga lugar ng trabaho

Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga panganib na dala ng mga naitalang tumataas na heat index sa buong bansa sa mga manggagawa.

Batay sa pahayag kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, nababahala ang ahensiya sa posibleng panganib na dala sa kalusugan ng mainit na lugar ng pinagtatrabahuan sa mga manggagawa.

Napansin rin umano ni Laguesma na ang mga rehiyon na may matataas na heat index ay mga lugar din na may malalaking bilang ng mga manggagawa.


Dagdag niya, ramdam ang init ng panahon sa malalaking rehiyon tulad ng Central Luzon, Calabarzon, Central Visayas, at sa kalakhang Maynila kung saan 47% ng manggagawang Pilipino sa buong Pilipinas ay apektado.

Kaya naman mariing pinapaalalahanan ng ahensiya ang mga employers na tiyakin na may sapat na bentilasyon at heat insulation ang mga lugar na pinagtatrabahuan, gaya ng nakasaad sa Labor Advisory 8-2023.

Dagdag pa rito, mayroong karapatan ang mga employer na baguhin ang mga rest break o lokasyon ng trabaho.

Ganoon rin ang paggamit ng mga uniporme at personal na kagamitan pang-proteksyon na angkop para sa kasalukuyang temperatura.

Hinikayat din ng DOLE ang mga kumpanya na gumawa ng mga flexible work arrangement kaakibat ng work hour adjustments hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon.

Facebook Comments