Nagbabala sa publiko ang Department of Labor and Employment o DOLE kaugnay ng mga pekeng Facebook pages na nag-aalok ng pera o mga papremyo kapalit ng pagla-like o pag-share sa social media at gayundin sa mga nag-aalok ng trabaho.
Ayon sa DOLE, dapat mag-ingat ang publiko at berepikahin muna ang registration ng mga ganitong uri ng kompanya sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalan bago makipagtransakyon o bago magbigay ng mga mahahalagang impormasyon.
Ginawa ng DOLE ang paalala, kasunod na rin ng mga natanggap nilang reklamo laban sa kompanyang nagpapakilalang “Eternal Investment”.
Batay sa reklamo sa DOLE, nanghihikayat ang naturang kompanya sa Facebook ng mga sasali sa kanilang kompanya at nag-a-assign ito sa mga job positions o trabaho sa pamamagitan ng voluntary o commission basis.
Ayon pa sa DOLE, base sa natanggap nilang reklamo, minamanipula ng “Eternal Investment” ang kanilang mga tao at hindi binabayaran ng tama.
Lumalabas din sa record ng Department of Trade and Industry o DTI at Securities and Exchange Commission o SEC na hindi ito rehistrado.
Iniimbestigahan na ang kompanya ng Enforcement and Investor Protection Department ng SEC.