DOLE, naglabas ng “no exemption, no deferment” order hinggil sa pagbibigay ng 13th month pay

Nilagdaan na ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang Labor Advisory no. 28 kung saan hindi maaaring magpaliban o ma-exempt sa pagbibigay ng 13th month pay ang mga employer sa kanilang mga manggagawa.

Bukod dito, nakasaad sa kautusan na ang pagbabayad ng employer ng 13th month pay ay sa December 24, 2020 o bago ang nasabing petsa.

Ilan sa makakatanggap ng 13th month pay ay ang mga rank-and-file employees sa private sector anuman ang kanilang posisyon, designation, o employment status at hindi alintana ang pamamaraan ng pagbabayad ng kanilang sweldo, sa kondisyon na nagtrabaho sila ng hindi bababa sa isang buwan sa loob ng calendar year.


Sa ilalim ng Presidential Decree 851, ang minimum 13th month pay ay hindi dapat mas mababa sa isang buwan na sweldo ng isang empleyado sa loob ng isang taon.

Matatandaang una nang inihayag ni Bello na maaaring ipagpaliban o ma-exempt sa pagbabayad ng 13th month pay ang mga kompanya na apektado ng pandemya ngunit inalmahan ito ng iba’t ibang grupo ng manggagawa.

Dahil dito, plano sana ng DOLE na i-subsidize ang pagbibigay ng 13th month pay kung saan maaaring makautang ang mga apektadong employer.

Pero iginiit ng kalihim na kung bibigyan ng subsidy ng gobyerno ang 13th month pay, tanging ang mga negosyo sa Micro and Small Enterprises (MSEs) ang mabibigyan habang ang mga medium enterprises na hindi bababa sa ₱100 milyon ang capital ay hindi makakakuha ng subsidy.

Facebook Comments