DOLE, naglabas ng patakaran para sa sahod sa December 26

Inilabas na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Labor Advisory No. 28, Series of 2023 na nagsasaad ng wastong pagbabayad ng sahod para sa special (non-working) day sa ika-26 ng Disyembre.

Pirmado ito ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma alinsunod sa Proclamation No. 425, na nagdedeklara sa ika-26 ng Disyembre bilang special (non-working) day sa buong bansa.

Sa naturang labor advisory, ipatutupad ang “no work, no pay” maliban na lamang kung ang kompanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.


Samantala, ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30 percent ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho.

Ang empleyado naman na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.

Para sa mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day at kasabay ng kanilamg day-off, dapat silang bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras; habang ang nag-overtime ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita para sa nasabing araw.

Para sa karagdagang katanungan sa wastong pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag anumang oras o araw sa DOLE Hotline 1349.

Facebook Comments