DOLE, naglunsad ng mga programa para sa balikbayang OFWs na apektado ng COVID-19 pandemic

Bilang tulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng COVID-19, naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng ilang mga programa sa kanilang pagbabalik-bansa.

Sa ulat ng The Filipino Times, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa pre-SONA Forum nitong Miyerkules na magkakaroon sila ng programang, “Balik Pilipinas, Balik Hanapbuhay” kung saan maglalaan sila ng P20,000 cash assistance.

Magagamit ang halagang ito para makapagsimula sa anumang negosyo o trabaho ang bawat OFW na bumalik at planong bumalik sa bansa.


“Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” naman ang handog na programa ng DOLE para sa mga gurong nais umuwi ng bansa.

Nakipag-ugnayan na daw ang ahensya sa Department of Education (DepEd) para bigyang pansin ang mga OFW returnees na magamit ang kanilang propesyon.

Para naman sa mga OFWs na nagtatrabaho bilang construction worker sa ibang bansa na napabalik ng Pinas, maaari silang makatanggap ng benepisyo mula “Build, Build, Build” program ng administrasyon.

Aabot daw sa 400,000 mabibigyan ng trabaho ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Department of Transportation(DOTr).

Bukas din ang mga BPO sectors para sa nasa 6,000 na nais maging call center agents.

Facebook Comments